Danny, salamat sa e-mail mo, ha? Kinilig naman ako. :) Pasens'ya ka na at ngayon lang ako nakapagcheck ng e-mail, masamang ugali ko na yan na kinaiinisan ng marami kasi kailangan pa ako i-text ng mga tao para icheck ko ang e-mails ko.
Masaya ako na kahit papaano ay napasaya kita sa paglathala ng tula mo sa blog ko. Sana sumulat ka pa ng maraming tula dahil mahusay ka naman. Naibigan ko rin ang ipinadala mong bagong tula, sana okay lang sa'yo kung i-post kong muli ito sa blog, kasama na rin ng liham mo (at liham ko) para magmukha talagang correspondence ng idol at fan. Nyahaha.
Wag kang mag-alala, ugali ng marami ang i-Google ang kanilang sarili. Buti ka nga paminsan-minsan lang, ako nga madalas. :P
Ingat ka at aabangan ko palagi ang mga bago mong katha.
Polaris
From: "Danilo R. dela Cruz, Jr."
To: polarisns@hotmail.com
Subject: Salamat
Date: Wed, 25 Jul 2007 11:40:01 +0800
Hi!
Ugali ko nang i-Google ang pangalan ko paminsan-minsan. Maaaring sanhi ito ng banidad o kaburyungan sa trabaho ko o baka naman paghahanap lang ito sa nawawalang sarili - ako, sabi ng iba, makata. Kinalimutan ko na muna ang pagtula o ako ang kinalimutan ng tula. Naging abala ako sa iba't ibang trabaho sa maraming taon at pakiramdam ko'y unti-unting nababaog ang aking lenggwahe sa pagtula, sa paglikha, sa paghahanap ng kahulugan sa wala. At wala, wala akong magawa kahit anong pilit kong sumulat ng isa o dalawang linya sa gabi. At kapag ganoon, hinahayaan ko na lamang. Wala akong laban kapag ganoon. Hanggang sa makita ko nga na ipinaskil mo sa blog mo ang isang tula ko. Makatutulong iyon sa akin na muling makapagsulat kasama ng iba pang inspirasyon. Maraming salamat kung sino ka man. Gusto ko uling makaniig ang Salita.
Tula ko. Wala lang.
Lahat Tayo ay Nakatayo
Lahat tayo ay nakatayo
sa palengke,
sa pabrika,
sa opisina,
sa bukid,
sa eskuwela,
sa kalsada,
sa Palasyo,
sa silid,
sa kubeta,
sa plasa,
sa simbahan,
at sa mga lugar ng pag-ibig at digmaan.
Walang gustong umupo
dahil baka nga naman mawalan tayo
ng bigas,
ng prutas,
ng isda,
ng karne,
ng gamot,
ng tubig,
ng damit,
at ng asin.
Pati, ng alak,
ng sigarilyo,
ng kantot,
ng gigil,
at ng aliw.
Walang dahilan upang umupo,
lalo't nagkakadaskulan tayo
sa kakaunting grasya at ganansiya.
Sino nga naman ang may gusto
ng barya at disgrasya?
Ng galit at pagdurusa?
At kung may isa man sa atin
ang makaramdam ng hapo
at maisipang umupo,
bigla rin namang tatayo.